Ikalimang miyembro ng 5-man committee na sasala sa courtesy resignation ng mga 3rd level official ng PNP, pinangalanan na

Kumpleto na ang bubuo sa 5-man committee na siyang sasala sa courtesy resignations ng mga 3rd level officials ng Philippine National Police (PNP).

Pinangalanan kanina ni Department of the Interior & Local Government Sec. Benhur Abalos ang bubuo sa komite na si dating Court of Appeals Associate Justice Melchor Quirino Cabarugi Sadang.

Si Sadang ay dating Associate Justice ng Court of Appeals mula 2011 hanggang 2017, nagsilbi rin itong presiding judge ng Cavite Regional Trial Court (RTC) at naging law professor ng University of the East (UE).


Ayon kay SILG Abalos, maganda na ang track record ni Justice Sadang at kilala itong may integridad.

Una nang pinangalanan ang apat na miyembro ng komite na sina Baguio City Mayor Benjamin Magalong, PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr., former Defense Chief Gilbert Teodoro, at Undersecretary Isagani Neres mula sa Office of the Presidential Adviser on Military Affairs.

Sinabi ni Abalos na agad magpupulong sa Lunes ang 5-man committee para sa gagawing vetting process ng mga koronel at heneral ng PNP na nagsumite ng courtesy resignation.

Layon ng nasabing internal cleansing na malinis ang hanay ng Pambansang Pulisya mula sa iligal na droga.

Facebook Comments