Pinasinayaan ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang katatapos lamang na Pedro Gil Residences sa may bahagi ng A. Francisco Street kanto ng Perlita Street sa San Andres, Maynila.
Bukod sa nasabing pabahay, binuksan na rin ang bagong Pedro Gil Health Center na magkakaloob ng libreng serbisyong medikal sa mga residente tulad ng ECG, laboratory, at ultrasound.
Mayroon itong 290 na residential unit na may dalawang kwarto, 125 parking slots, limang elevator, swimming pool, activity lawn, function room, fitness center, outdoor activity area, at basketball court.
Prayoridad sa nasabing pabahay ang mga empelyado ng lokal na pamahalaan ng Maynila, mga informal settler, at mga nangungupahan.
Sa naging pahayag ni Manila City Mayor Honey Lacuna, inatasan niya ang sangguniang panglungsod, sa pangunguna ni Vice Mayor Yul Servo, na baguhin ang sistema sa pagbayad sa itinayong pabahay.
Sinabi ni Mayor Lacuna, nais niyang maging rent-to-own ang sistema ng pagbabayad upang hindi na habang buhay mangupahan ang mga tatanggap ng unit.
Ang Pedro Gil Residence ang ikalimang proyektong pabahay ng lokal na pamahalaan ng Maynila na layuning matugunan ang lumalaking problema ng siyudad sa kakulangan ng maayos at malinis na tirahan.