Tuloy sa Batasang Pambansa sa Quezon City ang ikalimang State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang tiniyak ni House Speaker Alan Peter Cayetano kahit naitala ang 22 kaso ng COVID-19 sa Kamara.
Ayon kay Cayetano, limitado lamang ang mga papayagang pumasok, kabilang na ang ilang kongresista, mga senador, at mga kasama ng Pangulo.
Iginiit ni Cayetano na mahalagang maisagawa ang SONA sa Batasan dahil dito tradisyunal na isinasagawa ang event.
Ipinapakita lamang ito sa publiko na may ginagawa ang pamahalaan laban sa pandemya.
Pero sinabi ni Cayetano na iniiwasan nilang magkaroon ng bagong kaso ng COVID-19 na magmumula sa Kamara.
Para kay Cayetano, ang nagdaang apat na taon ng administrasyong Duterte ay napaka-kontrobersyal pero matagumpay lalo na at ikinokonsidera ang paglaban nito sa korapsyon, droga at iba pang malalaking isyu.
Gaganpin ang SONA ni Pangulong Duterte mamayang alas-4:00 ng hapon, kasabay ng pagbubukas ng ikalawang regular session ng 18th Congress.