Iniimbestigahan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isa pang fingerprint record ng isa pang “Alice Guo” na mula naman noong 2005.
Sa pulong balitaan kanina, sinabi ni NBI Director Jaime Santiago na nag-apply ng NBI clearance ang ikatlong Alice Guo noong 2005 sa Quezon City.
Pero nang suriin aniya ang lugar kung saan nakatira ang indibidwal batay sa record ay walang Alice Guo na natagpuan.
Sa ngayon, patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang iba pang detalye at pagkakakilanlan ng ikatlong ‘Alice Guo’.
Ngayong araw naman inaasahang ilalabas ng NBI ang resulta ng fingerprints examination sa indibidwal na may kaparehong pangalan kay suspended Bamban Mayor Alice Guo na una nang tumugma sa Chinese passport holder na si Guo Hua Ping.
Patuloy namang hinihikayat ng mga senador ang suspendidong alkalde na ibunyag na kung sino ang nasa likod ng mga iligal na POGO sa bansa.