Pinarangalan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga buhay na bayani ng Marawi Siege, may tatlong taon na ang nakalilipas mula nang ideklara itong malaya mula sa mga terrorista.
Sa simpleng programa na isinagawa kagabi sa AFP Lapu-Lapu Grandstand sa Camp Aguinaldo, ginawaran ng Presidential Medal Order of Lapu-Lapu na may ranggong Kamagi si B/Gen. Fabian Pedregosa gayundin si Col. Randy Pascua.
Iginawad ang parangal mula mismo sa Pangulo ng bansa dahil sa kanilang maayos at matapang na pagtupad ng kanilang misyon.
Ginawaran din ng Distiguished Conduct Star sina Col. Jose Jesus Luntok, Capt. Arnel Lozada, 2/Lt. George Francisco at S/Sgt. Roland Saludes dahil sa ipinakita nilang tapang at kabayanihan sa kasagsagan ng bakbakan.
Nakatanggap naman ng AFP Chief of Staff Commendation medal at ribbon sina M/Gen. Generoso Ponio, B/Gen. Romeo Brawner, Col. Pompeyo Almagro at lima pang military officers dahil sa kanilang natatanging ambag para malansag ang puwersa ng ISIS Inspired Maute Terrorist Group na kumubkob sa Marawi City sa loob ng limang buwan noong taong 2017.
Ginawaran din ng Order of Lapu-Lapu na may rangkong Magalong ang sibilyang si Dr. Isabel Conjuangco – Suntay dahil sa tulong sa kasagsagan ng Marawi Siege.
Kasunod nito, tahimik ding nag-alay ng panalangin ang mga dumalo sa seremonya para naman sa mga nasawing sundalo at mga sibilyan na nadamay sa limang buwang sagupaan.