
Hindi na magpapatuloy ang ikatlong araw ng tigil-pasada ng grupong MANIBELA ngayong araw.
Ayon kay MANIBELA President Mar Valbuena, nagtagumpay sila sa pagkamit ng atensyon at pangakong aksyon mula sa mga ahensya ng gobyerno.
Simula noong Martes, isinagawa ang sunod-sunod na dayalogo sa Land Transportation Office (LTO) at Department of Transportation (DOTr) at nangako ang mga opisyal ng mga sumusunod:
• Ilalabas ang jeepney, plaka at driver’s license ng mga apektadong operator.
• Maglalabas ng Memorandum Circular para sa extension ng Provisional Authority at pagpaparehistro ng mga sasakyan sa LTO.
• Iimbestigahan at papanagutin ang mga kawani ng LTO at LTFRB na tumatanggap ng payola, kabilang na ang pagbebenta ng Provisional Authority sa mga TNVS applicant.
Ani Valbuena, dahil sa pakikiusap ng LTO, LTFRB, at ni DOTR Acting Secretary Giovanni Lopez, pansamantala nilang tinapos ang transport strike at kinansela ang protesta.
Patuloy naman nilang mino-monitor kung matutupad ang mga ipinangako ng mga nabanggit na ahensya.
Pinasalamatan din ng transport group si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang direkta at personal na pagtutok sa hinaing ng grupo at sa patuloy na pagsubaybay sa kanilang mga isyu.









