Manila, Philippines – Muling dumulog sa Korte Suprema ang mga kongresista mula sa hanay ng oposisyon para hilinging ideklarang unconstitutional o labag sa batas ang ikatlong pagpapalawig sa martial law at pagsuspinde sa privilege of the writ of habeas corpus sa Mindanao na tatagal hanggang December 31, 2019.
Ang 46-pahinang petisyon ay isinulong nina Congressmen Edcel Lagman, Tomasito Villarin, Teddy Baguilat Jr, Edgar Erice at Garry Alejano, Christopher Belmonte at Arlene “Kaka” Bag-Ao.
Iginigiit ng mga petitioner na labag sa 1987 Constitution ang ikatlong pagpapalawig sa martial law sa Mindanao na nakapaloob sa joint resolution no. 16 ng Kongreso dahil hindi naman nagpapatuloy ang rebelyon sa Mindanao at hindi rin nanganganib ang kaligtasan ng publiko.
Salig anila sa naging desisyon ng Korte Suprema sa kaso ng Lagman vs Medialdea nangangailangan ng aktwal na rebelyon o armadong pag-aaklas laban sa gobyerno na may layuning tumiwalag ng katapatan sa republika at ang kaligtasan ng publiko ay nanganganib para mabigyang katwiran ang pag-iral ng martial law.
Ayon pa sa mga petitioner, bigo si Pangulong Duterte na magprisinta ng “sufficient factual basis” para depensahan ang pagpapalawig sa martial law sa Mindanao.
Hindi rin kumbinsido ang mga opposition congressmen na konektado sa rebelyon ang nagaganap na karahasan at terorismo sa nasabing rehiyon.