Inihayag ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na pag-uusapan nila ngayong araw ang mga hirit na magpatawag ng dagdag pang pagdinig ang Senate Committee of the Whole kaugnay sa vaccination program ng gobyerno.
Kung magkakaroon ng ikatlong hearing ay target maipatawag muli sina Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., Health Secretary Francisco Duque III at mga opiysal ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, marami pang tanong ang hindi nasasagot at hindi pa malinaw ang isyu ng presyuhan, saan kukunin ang mga bakuna, kailan ang eksaktong petsa ng pagdating ng mga supply at ano ang logistical support plan ng gobyerno.
Katwiran naman nina Senators Imee Marcos at Francis “Kiko” Pangilinanan, hindi malinaw at pabago bago ang naging sagot ukol sa pagbil ng COVID-19 vaccine.
Binanggit naman ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na maraming inconsistencies si Galvez na tila sinasadya, tulad ng pahayag nito na makakabili ang pamahalaan ng murang bakuna mula sa Covax facility pero nitong Biyernes ay lumitaw na libre pala ito.
Dagdag pa ni Lacson, ang sinabi nina Galvez, na gobyerno ang ka-transaksyon sa mga bakuna, pero lumitaw na ang executive o pribadong kumpanyang Sinovac pala ang kanilang kausap.