Ikatlong petisyon na kumukwestyon sa legalidad ng martial law sa Mindanao, inihain sa SC

Manila, Philippines – Inihain ngayong araw sa Korte Suprema ng isang dating mambabatas at ng mga obispong Katoliko ang panibagong petisyon kaugnay ng idineklarang Martial Law sa Mindanao.

Kasama sa mga naghain ng panibagong petisyon sina Dating Senador Wigberto Tanada, Bishop Emeritus Deogracias Iniguez, Bishop Broderick Pabillo, Bishop Antonio Tobias at tatlong iba pang indibidwal.

Hiniling ng mga petitioner na atasan ng Korte Suprema ang Kongreso na magdaos ng joint session para talakayin ang idineklarang batas militar at ang pagsuspindi sa privilege of the writ of habeas corpus sa Mindanao.


Iginigiit nila na ang kabiguan ng Senado at Kamara de Representantes na magdaos ng joint session ay nagkakait sa mga mambabatas na magdaos ng deliberasyon, magdebate at mabusisi ang factual basis na pinagbatayan sa deklarasyon ng Martial Law.

Napagkakaitan din ang publiko ng transparency sa mga impormasyon na pinagbatayan ng Proclamation No. 216.

Kung pagbabatayan din ang deliberasyon ng Constitutional Commission na bumalangkas sa 1987 Constitution, malinaw na mandatory o obligado na agarang magdaos ng joint session ang Kongreso.

Dahil dito, naniniwala ang mga petitioner na ang kabiguan ng Kongreso na tumalima sa rekisito ng Konstitusyon ay maituturing na grave abuse of discretion o pagmamalabis.
DZXL558

Facebook Comments