Cauayan City, Isabela- Doble ang ginagawang paghahanda ng Cagayan Valley Medical Center dahil sa dumaraming bilang ng mga pasyenteng tinatamaan ng COVID-19 sa buong rehiyon dos.
Ito ang inihayag ni CVMC Medical Center Chief Dr. Glenn Mathew Baggao kung saan lagpas na sa bed capacity ang COVID-19 ward na nananatili sa pagamutan.
Sa kasalukuyan, nasa 191 na ang pasyente sa ward mula sa orihinal na 150 bed capacity nito.
Sa nasabing bilang, 137 na pasyente ay mula sa Cagayan kung saan 82 dito ay sa Tuguegarao City; 15 mula Isabela; 2 sa Kalinga at apat (4) ang mula naman sa Apayao.
Kaugnay nito, nagpulong na ang pamunuan ng ospital dahil sa posibleng madagdagan pa ang mga kasong naitala ngayon lalo pa’t may naitalang kaso ng Delta variant sa Nueva Vizcaya.
Bahagi rin ng paghahanda ng ospital ang contingency plan sa ikatlong surge ng COVID-19 sa Cagayan Valley.
Samantala, plano ng ospital na magdagdag ng mga gamot,kagamitan, mga kwarto at wards, at personnel na tututok sa lumalaking kaso ng virus kung saan magsasagawa ng emergency hiring para sa mga nurse, medical technologist, radiologic technologist at iba pa.
Ayon pa kay Dr. Baggao, walang kahalintulad na sintomas ng Delta variant ang mga pasyenteng naka-admit sa kanilang ospital, bagay na lumabas sa inisyal na assessment.
Tiniyak naman ni Baggao na hindi makompromiso kalagayan ng mga non-covid patients sa kasalukuyang sitwasyon ng ospital.
Muli namang ipinapanawagan sa publiko ang pagsunod sa minimum health standard para maiwasan ang hawaan sa COVID-19.