Oobserbahan muna ng Department of Education (DepEd) ang mga ikinabit na plastic barriers sa pilot schools, bago magdesisyon kung tatanggalin ito o hindi.
Ayon kay Education Assistant Secretary Malcolm Garma, bagama’t hindi requirement ang paglalagay ng plastic barriers, nagdesisyon ang ilang eskwelahan na magkaroon nito alinsunod sa kagustuhan ng mga magulang at local government units.
Nagsisilbi kasi itong karagdagang precautionary measure para matiyak ang kumpiyansa ng mga magulang sa kanilang mga anak.
Nakatakda namang isama ang plastic barriers sa gagawing pilot study ng kagawaran upang matukoy kung dapat ba itong irekomenda sa expansion ng face to face classes.
Ngayong araw na rin magbubukas ng physical classes ang tatlong eskwelahan sa Zambales na nausog kahapon dahil sa mga nagpositibong mga guro sa antigen test.
Kinabibilangan ang mga paaralang ito ng San Marcelino National High School, Baliwet Elementary School na nasa bayan ng San Mercelino at Banawen Elementary School sa San Felipe.