
Binigyang-diin ni Committee on Public Accounts Chairman at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na hindi si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang puntirya sa gagawing imbestigasyon ng Kamara ukol sa Manila Bay Dolomite Beach Project.
Para kay Ridon ang dapat magpaliwanag ay ang mga opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Public Works and Highways (DPWH) kung bakit inunang gawin ang Dolomite Beach Project noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Ipinunto ni Ridon na mas mainam kung inunang ikasa ang mga proyekto na magpapalawig sa mga sewage treatment plants at magpapabuti sa kalidad ng tubig sa Manila Bay.
Itinakda ang pagdinig sa November 19 kung saan unang aalamin ng komite kung kailangan ba ang nasabing proyekto base sa Manila Bay Sustainable Development Master Plan at sa utos ng Supreme Court kaugnay sa rehabilitasyon ng Manila Bay.









