Manila, Philippines – Ikinatuwa ng Palasyo ng Malacanang na nakikita ng taumbayan na umaandar ang proseso ng batas sa bansa.
Ito ang sinabi ng Malacanang sa harap na rin ng desisyon ng House Justice Committee na mayroong probable cause ang impeachment complaint laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, ikinagagalak nila na patuloy na gumagana ang proseso ng mga institusyon ng gobyerno para mapanagot ang mga opisyal ng pamahalaan.
Sinabi ni Roque na patunay ito na umaandar ang demokrasya sa bansa na sumusunod sa itinakda ng Saligang Batas.
Aabangan lang din naman aniya nila ang magiging resulta ng botohan sa plenaryo ng Kamara kaugnay sa impeachment complaint laban kay Chief Justice Sereno.