IKINATUWA | Pagbalik sa Balangiga Bells, patunay ng magandang relasyon ng Pilipinas at Amerika

Manila, Philippines – Ikinatuwa ng mga Senador ang pagbalik ng Balangiga Bells sa Pilipinas makaraang ito ay tangayin ng mga sundalong Amerikano 117 taon na ang nakalilipas.

Para kay Foreign Relations Committee Chairperson Senator Loren Legarda, ang pagsauli sa Balangiga Bells ay nagpapatunay ng matibay at magandang relasyon sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.

Diin naman ni Senator Win Gatchalian, may espesyal na kahulugan sa ating lahi ang Balangiga Bells dahil simbolo ito ng katapangan ng mga Pilipino at mithiing maging malaya.


Binati din ni Gatchalian ang mamamayan sa bayan ng Balangiga, Eastern Samar na hindi sumuko sa pag-asa at pagsisikap na mabalik sa kanila ang Balangiga Bells.

Naniniwala naman si Senator Gringo Honasan na ang pagbalik sa Balangiga Bells ay maghihilom sa sugat na dulot ng pananakop sa atin ng Amerika.

Dagdag pa ni Honasan, magbibigay daan din ito sa mas sinserong bilateral at multilateral global economic and security cooperation.

Sabi naman ni Senator Risa Hontiveros, isang malaking kaganapan sa ating kasaysayan na naibalik ang Balangiga Bells na nagpapaalala ng mapait na nakaraan at kabayanihan ng mga Pilipino.

Facebook Comments