Manila, Philippines – Ikinatuwa ng Social Security System ang ginawang pagtukoy ng Bicameral Conference Committee kung saan huhugutin sa General Appropriations Act ang source ng pondo para sa isinusulong na expanded maternity coverage para sa mga kababaihang manggagawa.
Ito ang iniulat kay SSS President at Chief Executive Officer Emmanuel Dooc ng team na ipinadala niya na tumutok sa deliberasyon ng Bicameral Conference Committee .
Sinabi pa ni Dooc na batay sa kanilang pag aaral, aabot sa 3.6 billion ang maidadagdag sa gastusin sa disbursement ng expanded maternity benefit sa sandaling maging ganap na itong batas.
Hindi pa aniya kasama rito ang gastusin kung magiging madalas ang panganganak.
Sa ilalim ng panukalang expanded maternity leave bill, gagawing 105 days ang maternity leave mula sa dating 60 days para sa mga nanganak sa normal at cesarean delivery habang ang mga Solo parents naman ay may additional 15 days o katumbas ng 120 days na maternity benefit.