Manila, Philippines – Ikinatuwa ng Department of Health (DOH) ang pagkaapruba ng House Committee on Appropriations sa panukalang isa punto dalawampu’t anim na bilyon pisong pondo para sa mga nabakunahan ng Dengvaxia.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque, ang nasabing halaga na ibinalik ng Sanofi Pasteur para sa nalalabing supply ng Dengvaxia vials pakikinabangan ng lahat ng mga nagkasakit na Dengvaxia vaccine pati na ng kanilang pamilya.
Nabatid na ang 81% sa pondo ay gagamitin para sa medical assistance program ng Dengvaxia-vaccinees.
13-porsiyento ay para sa Public Health Management at 6-porsiyento ay para sa health development.
Dagdag pa ni Duque na ang health assistance fund na paglalaanan ng mahigit ₱900-M ay para sa mga nabakunahan ng Dengvaxia na magkakasakit at kailangang maipasok sa ospital o magpa-konsulta sa doktor.
Para naman sa Public Health Management, mag-e-employ ng 1,250 na nurse sa loob ng tatlong buwan ang DOH upang magsagawa ng profiling, pag-monitor, pagpapakalat ng impormasyon at para sa koordinasyon ng lahat ng mga vaccine, kanilang mga magulang sa lahat ng mga health facilities at para sumagot sa mga tanong ng publiko sa pamamagitan ng hotline.
Paliwanag ng kalihim na sa mga rehiyon na ipinatupad ang anti-dengue immunization program gaya ng Metro Manila, Calabarzon at Central Visayas, 382 nurse ang kukunin ng DOH bilang health education and promotion officers na magtatrabaho hanggang 2019 ngunit ang kanilang sahod manggagaling na sa regular na pondo ng kagawaran.
Ang nasabing mga nurse ang magbibigay ng counseling, lecture at magbabantay sa mga isyung kakaharapin ng mga nabakunahan ng Dengvaxia.