Cauayan City, Isabela- Naging mayapa at matagumpay ang inilunsad na kilos-protesta ng mga residente ng Barangay Dungeg sa Bayan ng Santa Teresita, Cagayan nitong ika-7 ng Disyembre taong kasalukuyan laban sa mga komunistang grupo sa kanilang Komunidad.
Ito ay upang ipakita ang kanilang pagtutol sa pagpasok at mga ginagawang masama ng mga makakaliwang grupo tulad na lamang ng pangingikil, pag-atake, pagrerekrut sa mamamayan at paglulunsad ng mga kilos-protesta laban sa gobyerno.
Pinangunahan ito ni Punong Barangay Nessie Tactac, kasama ang kanyang mga opisyales, iba’t-ibang sektor ng Sangguniang Kabataan (SK) at mga residente ng nasabing barangay bilang pagkondena sa panlilinlang ng mga teroristang grupo lalo na sa mga kabataan.
Bitbit ng mga nakiisa sa protesta ang mga tarpaulin at placards na may nakasulat na “Kapayapaan sa Brgy Dungeg, at NO to Communist Terrorists Group” bilang pagpapakita ng kanilang pagtatakwil sa mga rebeldeng grupo.
Taos puso namang nagpasalamat ang mga opisyal ng barangay at mga residente sa pwersa ng 98th Infantry Battalion, Philippine Army at Marine Battalion Landing Team 10 sa pagbibigay ng proteksyon laban sa mga terorista at sa patuloy na pagsagawa ng “Community Information Awareness” upang makapagbigay ng sapat na kaalaman tungkol sa gawaing paglilinlang ng mga komunista.
Ayon naman kay LTC Abraham M Gallangi Jr., Commanding Officer ng 98IB, 5ID, PA, ang pagkakaisa ng mga mamamayan ng Brgy. Dungeg ay simbolo na malapit nang makamit ang tunay na kapayapaan at kaunlaran sa kanyang nasasakupan.
Nagpasalamat din ang nasabing opsiyal sa mga residente sa lugar sa pakikipaglaban at pagtakwil sa CPP-NPA-NDF.
Ayon pa sa kanya, makakamit ang kapayapaan sa pamamagitan ng pagkaka-isa at pagtutulungan ng bawat mamamayan tulad nang ginawa ng mga residente ng Brgy Dungeg.