IKINUKUNSIDERA | Paglalagay ng one stop shop medical assistance desk sa lahat ng government hospitals sa buong bansa, irerekomenda ni SAP Bong Go kay PRRD

Manila, Philippines – Ikinukunsidera ni Special Assistant to the President Secretary Bong Go na irekomenda kay Pangulong Rodrigo Duterte ang paglalagay ng medical assistance one stop shop na matatagpuan sa lahat ng mga pampublikong pagamutan sa buong bansa.

Sa konsepto ng nasabing one stop shop medical assistance desk, matatagpuan na sa pagamutan ng gobyerno ang mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na may kinalaman sa pagbibigay ng ayudang medikal sa mga mahihirap na Pilipino.

Ayon kay Go, sa halip na isa- isahin pang puntahan ang PhilHealth, PCSO, DSWD, PAGCOR, mas maiging magkaroon na ng staff ang nasabing mga ahensiya ng pamahalaan sa lahat ng government hospitals para hindi na rin maging pahirapan sa mga nangangailangan ang paghingi ng tulong.


Sa pamamagitan aniya nito ayon kay Go ay magiging mabilis ang pagkakaloob ng ayuda sa mga kapos na mamamayan.

Sinabi ni Go na sa ngayon, iilang mga ospital ng gobyerno ang gumagawa na ng ganitong set up na tinawag nilang malasakit center gaya ng Vicente Sotto Hospital sa Cebu, Southern Medical Center sa Davao habang maglalagay din sila ng isa pang malasakit center sa Tacloban.

Facebook Comments