Ilagan City, Host Muli sa Annual PATAFA Event

Ilagan City, Isabela – Muling gagawin ang Philippine Athletics Track and
Field Association (PATAFA) Annual Event sa Lungsod ng Ilagan.

Ito ay maisasapinal sa gagawing pirmahan ng Memorandum of Agreement (MOA)
sa pagitan ng LGU Ilagan at PATAFA ganap na alas dos bukas, Marso 19, 2018.

Ito ang magiging pangalawang pagkakataon na ang Lungsod ng Ilagan ay
magiging punong abala sa pambansang kumpetisyon sa larangan ng athletics.


Magugunita na noong Marso-Abril 2017 ay matagumpay na idinaos sa Ilagan ang
12th South East Asia Youth Athletics Championship at Philippine National
Open Invitational Athletics Championships.

Sa panayam ng RMN Cauayan News kay Ginoong Paul Bacungan, Information
Officer ng Ilagan LGU ay kanyang ibinahagi na ang muling pagiging punong
abala ng Ilagan sa ganoong kalibre ng sports event ay upang maipalaganap
ang posisyon ng lungsod bilang sports hub ng bansa.

Napag alaman din na kagaya noong 2017 ay may mga inimbitahang atletang
banyaga na lalahok sa paparating na sports event.

Ang 2018 PATAFA Annual Athletics Event na pangunahing sinusuportahan ng
Ayala Corporation ay nakatakda sa Mayo 10-14, 2018.

Gaganapin naman ang pirmahan ng MOA sa Executive Conference Hall ng Ilagan
City Hall sa pagitan nina Mayor Evelyn Diaz kasama ang mga opisyal ng
lungsod at ni PATAFA President Philip Ella Juico.

Annual Athletics Event, Philip Ella Juico, Ilagan City, Isabela, Luzon

Facebook Comments