
Hihintayin muna ng Department of Justice ang final report ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects.
Ito ay matapos umano na mag-leak ang sinasabing draft report ng Blue Ribbon kung saan nakasaad na inirerekomenda nilang kasuhan ang mga kasamahang sina Senator Joel Villanueva, Jinggoy Estrada at Chiz Escudero.
Ayon kay Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, hindi pa nila nakikita ang opisyal na kopya ngayon.
Pero bukas daw sila na gamitin ang committee report para magsilbi ring basehan para sa mga posibleng imbestigahan.
Nauna nang naghain ng petisyon sa Senado ang abogadong si Atty. Eldrige Marvin Aceron para hilingin na ilabas ang buo at unredacted na draft report sa flood control anomaly investigation.
Nasa mahigit 300 indibidwal na rin ang kasamang humiling na isapubliko ito sa kabila ng pagbawi ng ilang Senado.










