
Ibinida ng pamunuan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung saan nangunguna sa 4Ps achievers si Jeanlyn Guinita Colipano mula sa Carmen, Cebu na nag-Top 1 sa March 2025 Licensure Examination for Teachers o LET.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, nagtapos si Colipano sa Cebu Technological University – Danao Campus na isang cum laude at nakakuha ng degree sa Bachelor of Secondary Education Major in General Science.
Paliwanag pa ni Dumlao na sa Rehiyon 12, parehong nagtapos ng Bachelor of Elementary Education, Major in General Education sa Mindanao State University – General Santos City sina Venus Diane Reces Guerrero (Top 5) ng Brgy. Ladtingan, Pikit, Cotabato; at kimverlie Yusores Momo (Top 6) ng Brgy. Poblacion, Alabel, Sarangani.
Dagdag pa ng opisyal na kabilang din sa topnotcher ay si Nischelle Sagucio, mula sa Bataraza, Palawan, na nasa Top-6 sa LET at nagtapos ng magna cum laude sa Palawan State University – Main Campus.
Nakapasok din si Andrew Lyn De Vera ng Binmaley, Pangasinan, sa Top 10 ng LET–Secondary Level.
Aniya sa pamamagitan ng programa, ang mga 4Ps monitored children ay binibigyan ng education grants na mula P350 hanggang P700 kada buwan, depende sa kanilang grade level.









