Hindi bababa sa walo pang bayan sa Oriental Mindoro ang nakatakdang isailalim sa state of calamity simula bukas, March 6, kasunod ng nangyaring oil spill mula sa lumubog na oil tanker sa dagat na sakop ng probinsya.
Layon nito na magamit ng mga local government unit ang calamity funds para sa mga apektadong komunidad.
Ayon kay Oriental Mindoro Governor Bonz Dolor, wala pang detalye sa kung anong mga bayan ang isasailalim sa state of calamity.
Pero nabatid na apektado na rin ng oil spill ang kabuhayan ng mahigit 10,000 mangingisda sa mga bayan ng Pinamalayan, Gloria, Bansud, Bongabong, Roxas at Mansalay.
Pangamba ng gobernador, posibleng maapektuhan din ang suplay ng isda sa mga pamilihan dahil apektado na ang breeding ground ng mga isda sa mga nabanggit na bayan.
Nababahala rin si Dolor na maapektuhan maging ang turismo sa probinsya lalo na ngayong papalapit na tag-init.
Samantala, nasa 10,000 pamilya mula sa bayan ng Pola ang nahatiran na ng food packs.
Ayon kay Social Welfare Secretary Rex Gatchalian, inihahanda na rin ng ahensya ang cash-for-work program para matulungan ang mga residente na kumita pa rin habang nagpapatuloy ang coastal cleanup.
Nanawagan naman si Dolor sa Philippine Coast Guard na bilisan ang pagtunton sa eksaktong lokasyon ng oil tanker upang hindi ito matulad sa 2006 oil spill sa Guimaras na itinuturing na pinakamalalang environmental disaster sa bansa.
Base sa projection ng marine experts mula sa University of the Philippines, posibleng umabot sa karagatan ng Palawan ang oil spill sa mga susunod na araw.