Ilan pang kalsada sa dalawang barangay sa Parañaque City, pinag-aaralan nang isailalim sa lockdown

Pinag-aaralan na ng lokal na pamahalaan ng Parañaque na isailalim din sa calibrated lockdown ang ilang kalsada sa dalawa pang barangay sa lungsod.

Ito’y dahil sa paglabag ng mga residente sa quarantine protocols kaya’t patuloy na tumataas ang kaso ng Coronavirus Disease (COVID-19) sa nakalipas na dalawang buwan.

Ayon kay Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, itinuturing na critical areas ang ilang kalsada o sitio sa dalawang barangay pero hihintayin muna ang pag-apruba ng regional Inter-Agency Task Force (IATF) kung saan maglalabas ito ng bagong guidelines hinggil sa barangay lockdown.


Kabilang sa ikinukunsiderang i-lockdown ang ilang kalsada ay sa Barangay San Dionisio na may 58 na nagpositibo sa COVID-19 at Barangay San Antonio na may 41 na kaso.

Sa ilalim ng calibrated lockdown, ang isang compound na may lima o higit pang apektadong pamilya ay hihigpitan pero hindi madadamay ang buong barangay.

Matatandaan na una nang ini-lockdown ng tatlong araw ang 10 kalsada sa Barangay Baclaran na nagsimula kahapon ng alas-6:00 ng umaga at matatapos bukas o araw ng Sabado.

Facebook Comments