Ilan pang kongresista, tutol sa suhestyon ni Labor Secretary Silvestre Bello III na alisin ang board exam

Ilang kongresista pa ang nagpahayag ng mariing pagtutol sa suhestyon ni Labor Secretary Silvestre Bello III na buwagin na ang board o licensure exam para sa mga professional tulad ng mga nurse, dentistry, law at engineering.

Ayon kay Labor Committee Chairman Eric Pineda, bagama’t sang-ayon siya sa isang sinabi ni Bello na napakaraming pagsusulit na pinagdaanan ng mga estudyante, pero hindi naman niya kinakatigan ang pahayag ng kalihim na i-abolish o alisin na ang board exam sa mga professional.

Binigyang diin ni Pineda na dapat ikonsidera ni Bello na hindi naman pareho ang mga exam o pagsusulit na ibinibigay ng mga paaralan at unibersidad.


Aniya, ang mga propesyon na naunang binanggit ni Bello ay nangangailangan ng kaalaman na maaaring maging kritikal sa kaligtasan ng mga kliyente.

Tutol din si Deputy Speaker Rufus Rodriguez sa suhestyon ni Bello dahil tulad sa pag-aabogasya, nangangailangan ito ng striktong pagpili sa mga gustong magsanay sa batas.

Paliwanag ni Rodriguez na isa ring abogado, ito ay para matiyak sa mga Pilipino na ang mga nagiging abogado ng bansa ay competent at dedicated gayundin ay gumaganap sa kanilang propesyon ng may integridad at pananagutan.

Facebook Comments