Isang linggong isasailalim sa ‘hard lockdown’ ang Barangay Addition Hills sa Mandaluyong City.
Magsisimula ito sa Huwebes, May 7, at tatagal hanggang May 14.
Ayon kay Mayor Menchie Abalos, kailangang maghigpit sa nasabing barangay lalo’t ito ang may pinakamataas na kaso ng COVID-19 sa lungsod.
Habang umiiral ang lockdown, magsasagawa ang Local Government Unit (LGU) ng random rapid test sa 3,000 residente ng Barangay Addition Hills.
Ayon naman kay Barangay Chairman Carlito Cernal, sinimulan na nila ang pamamahagi ng food packs para maiwasan ang paglabas ng mga tao habang umiiral ang hard lockdown.
Samantala, simula bukas hanggang May 15, paiiralin din ang Extreme Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa buong Navotas City dahil sa patuloy ding pagdami ng nagpopositibo sa COVID-19 sa lungsod.
Habang kanina ay natapos na ang hard lockdown sa barangay bagong silangan sa Quezon City.
Umabot naman sa 281 indibidwal ang inaresto dahil sa paglabag sa 48-hour hard lockdown sa Tondo District-1 sa Maynila na nagtapos na rin kaninang alas-5:00 ng umaga.