Sumabay na rin ang ilan pang malalaking political parties sa pag-endorso para sa Speakership ni House Majority Leader Martin Romualdez sa pagpasok ng 19th Congress.
Naunang inihayag ng National Unity Party o NUP at ni LAKAS-CMD Chairman Emeritus at dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang pagbibigay suporta kay Romualdez bilang susunod na speaker sa Kamara.
Sa panig ng Nacionalista Party o NP, ipinunto ni Deputy Speaker Camille Villar ang katangi-tanging performance ni Romualdez bilang Majority Leader partikular na sa pagpapatibay ng mga mahahalagang panukalang batas at pagbubuklod sa mga myembro ng Mababang Kapulungan.
Sa statement ng pagsuporta naman ng PDP-Laban kay Romualdez, ay sinabi ni PDP-LABAN President Energy Sec. Alfonso Cusi na naniniwala sila sa kakayahan ng Leyte solon na pag isahin ang kongreso at ipagpatuloy ang legacy program ng Duterte administration kasabay ng pagsusulong sa agenda ni presumptive President Bongbong Marcos.
Nagpaabot na rin ng katiyakan sa kanilang suporta kay Romualdez ang partylist coalition ng Kamara.
Humabol rin ng kanilang “manifesto of support” para kay Romualdez ang Nationalist People’s Coalition o NPC sa pangunguna ng Secretary General ng partido na si dating Batangas Rep. Mark Llandro Mendoza.