Ilan pang mga kongresista, umapela na ipagpaliban ang nakaumang na pagtataas sa ATM transaction fees

Nanawagan sina CIBAC Parylist Reps. Eddie Villanueva at Domeng Rivera sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na ipagpaliban muna ang implementasyon ng dagdag na interbank ATM transaction fees.

Ayon kay Villanueva, sa panahon ngayon ay mas kailangan ng damayan ng publiko at hindi ito ang tamang oras para magpatupad ng dagdag na singil sa mga transaksyon sa ATM.

Sinabi ng Deputy Speaker na dapat ay mapagtanto ng BSP na nasa yugto pa rin ng pandemya ang bansa na nagresulta sa pagkawala ng trabaho at pagtaas sa presyo ng mga bilihin.


Iginiit ng kongresista na kailangang maging maingat at isaisip ng BSP ang mga isyung kinakaharap ngayong COVID-19 pandemic bago magpatupad ng ganitong kautusan.

Kinwestyon pa ng mambabatas ang BSP kung bakit sa gitna ng krisis ay saka magpapatupad ng ganitong ruling gayong ginagawa ng gobyerno ang lahat ng kaparaanan upang matulungan ang mga apektado ng pandemya.

Sa darating na Abril ay ilang bangko na ang naghayag na itaas sa P18 ang interbank withdrawal fees habang P2 naman sa balance inquiry.

Facebook Comments