Nagpaabot ng mensahe ang ilan pang politiko at grupo sa pagpanaw ni Commission on Human Rights (CHR) Chair Jose Luis ‘Chito’ Gascon.
Ayon sa kapatid nito na si Miguel Gascon, sa edad na 57 ay namaalam ang CHR Chairman dahil sa COVID-19.
Mensahe ni Vice President Leni Robredo, nakikiramay siya sa buong hanay ng mga nagtatanggol sa karapatang pantao sa bansa para sa patas at malayang lipunan.
Pinuri rin nito si Gascon na laging nangunguna sa mga martsa laban sa diktatura noong mag-aaral pa lamang si VP Leni sa University of the Philippines (UP).
Maliban sa pangalawang pangulo, labis din ang pagkalungkot ni Bayan Secretary General Renato Reyes Jr. sa pagpanaw ng magaling na human rights advocate at tiniyak na hahanap-hanapin ito ng mga nangangailangan ng hustisya sa Pilipinas.
Samantala, para naman sa CHR, napakalaking kawalan ni Gascon sa kanilang hanay dahil sa kakaiba nitong pamumuno.
Tiniyak naman ng komisyon na magpapatuloy ang mga adhikain nito sa katauhan ni Commissioner Karen Gomez-Dumpit bilang Officer-in-Charge.