Lima pang resolusyon ang inihain sa Kamara para bigyang parangal, pagkilala at papuri si Olympic gold medalist Hidilyn Diaz.
Sa House Resolutions 1982, 1989 at 1991 na inihain nila Cavite Rep. Abraham Tolentino, Abra Rep. Joseph Bernos at CIBAC Partylist Reps. Bro. Eddie Villanueva at Domeng Rivera ay kapwa pinupuri ng mga ito ang husay ng kauna-unahang Pilipinang nakasungkit ng gintong medalya sa Olympics.
Kapwa ikinararangal ng mga resolusyon ang dedikasyon at husay ni Diaz na nagbigay sa bansa ng ‘pride and glory’ mula sa pinakaprestihiyosong international sports competition.
Isa rin aniya itong malaking bahagi ng kasaysayan na nagbalik ng dangal at respeto ng lahat sa bansa.
Nakahanda na rin ang unnumbered resolution ng papuri at pagkilala kay Diaz na ihahain naman nila Basilan Rep. Mujiv Hataman at Anak Mindanao Partylist Rep. Amihilda Sangcopan.
Samantala, inihain naman ni Binan City Rep. Marlyn “Len” Alonte ang paggawad ng Kamara sa Olympic gold medalist ng “Congressional Medal of Distinction”.