Ilan pang senador ang naghain ng resolusyon para kilalanin at parangalan ang tinaguriang “Golden Boy” at world-class gymnast ng bansa na si Carlos Yulo matapos na dalawang beses na makasungkit ng gintong medalya sa Paris Olympics.
Kaugnay rito ay inihain ang Senate Resolution 1103 ni Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada, Senate Resolutions No. 1104 at 1105 ni Senator Joel Villanueva at Senate Resolution 1108 ni Senator Juan Miguel Zubiri.
Nakasaad sa mga resolusyon ang pagbibigay ng pagbati at paggawad ng Medal of Excellence ng Senado kay Yulo matapos nitong gumawa ng isang malaking kasaysayan sa pagkamit ng dalawang gintong medalya sa pinakamalaking sporting event sa buong mundo.
Nakalagay rin sa resolusyon na nagbigay ng karangalan, kasiyahan at inspirasyon sa mga Pilipino ang natatanging performance ni Yulo sa Paris Olympics kaya naman nararapat lamang na ibigay Olympic athlete ng bansa ang pinakamataas na papuri at pagkilala ng mataas na kapulungan.
Si Yulo ang kauna-unahang Pilipinong atleta at artistic gymnast na dalawang beses na nagwagi ng gintong medalya sa iisang event na Summer Olympics sa Paris kung saan nanguna ito sa floor exercise at vault events laban sa ibang mga bansang kalahok sa sporting event.