Ilan pang senador, hiniling na kasuhan ang mga nagbitiw na pulis na sangkot sa iligal na droga

Naniniwala ang ilang senador na dapat makasuhan at makulong ang mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) na natanggal sa serbisyo dahil sa pagkakadawit sa kalakaran ng iligal na droga.

Sa tingin pa ng ilang mga mambabatas, hindi sapat ang basta lang tinanggal sa serbisyo ang 18 police officials kundi dapat ang mga ito ay maimbestigahan, at kung mapatunayan ay sampahan ng kaso at papanagutin sa batas.

Kumpyansa si Senate Majority Leader Joel Villanueva na gagawin ng pamunuan ng PNP at DILG ang tamang hakbang kung saan makakasuhan ang mga pinangalanang pulis.


Iginiit pa ni Villanueva na dapat ding ipatupad sa kanila ang buong pwersa ng batas at magsilbing babala sa iba pang mga pulis para hindi na tularan.

Hindi rin kuntento si Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito sa pagkakasibak sa serbisyo ng mga PNP officials na ito at kailangan makasuhan sila base sa krimeng kanilang nagawa.

Para naman kay Senate Minority Leader Koko Pimentel, dapat sundan ng ebidensya at tingnan kung sapat ba ang mga ito para sa criminal conviction ng mga dismissed na pulis.

Facebook Comments