Ilan pang senador ang nagpaabot ng kanilang pakikiramay sa pagpanaw ni dating Senador Rodolfo Biazon.
Ayon kay Senate Majority Leader Joel Villanueva, siya ang kauna-unahang partylist representative noon na sumama sa Commission on Appointments (CA) na kumatawan sa oposisyon at hindi niya iyon makakalimutan dahil si Senator “Pong” aniya ang nagpakita sa kanya ng mga paraan kung paano magiging epektibong CA member.
Aniya pa, hindi rin niya makakalimutan ang mga aral na itinuro sa kanya ng dating senador gayundin ang “sense of humor” nito na kahit sa mga huling sandali ng buhay ay nanatili pa rin sa dating mambabatas.
Ibinahagi naman ni Senator Sherwin Gatchalian ang pagkakataong nakatrabaho niya noong 16th Congress sa Kamara si Senator Biazon at isa lamang ang panukalang pagbabalik ng Basic ROTC sa iba pang mahahalagang bills na kanilang magkasamang isinulong.
Hangad naman ni Gatchalian na matagpuan ng mga kapamilya, kaibigan at mahal sa buhay ang kaluwagan na ang iniwang legacy ng yumaong dating senador ay patuloy na magbibigay inspirasyon at gabay para sa mga magiging lider sa hinaharap.
Dagdag naman dito ni Senator Robin Padilla, minsan na aniyang napag-usapan na isapelikula ang buhay ni Senator Biazon na kanyang gagampanan at isasabuhay kaya isang malaking karangalan aniya ito dahil isang tunay na lingkod-bayan na tumitindig para sa demokrasya at kasarinlan ang dating senador.