Ilan pang senador, kinukundena ang panibagong pambubully ng China sa bansa sa Escoda Shoal

Nagpahayag ng pagkundena ang ilan pang senador sa ginawang pagbangga at pagkanyon ng tubig ng mga barko ng China sa barko ng Pilipinas na nagtungo ng Escoda shoal para magsagawa ng humanitarian at resupply missions.

Ayon kay Senator Loren Legarda, bukod sa iligal ay hindi makatao at isang kalupitan sa mga barko ng Pilipinas ang ginawa ng China na nagsasagawa lang ng isang lehitimong misyon at nasa loob ng karagatang sakop ng bansa.

Kinatigan din ng senadora ang panawagan ng Task Force for the West Philippine Sea (WPS) sa China na tigilan ang mga mapangahas at mapanganib na nagdudulot ng banta sa kaligtasan ng mga tauhan ng Pilipinas at nagpapahina sa kapayapaan at seguridad sa rehiyon.


Iginiit naman ni Senator Joel Villanueva na paglabag sa United Nations Convention on the Law of the Sea at sa sovereign rights ng Pilipinas sa 200 nautical miles na sakop ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ang ginagawa ng mga barko ng China.

Umapela rin si Villanueva sa international community partikular sa mga kaibigan at kaalyado ng Pilipinas na makiisa laban sa agresibong aksyon ng China.

Facebook Comments