Nagkaloob ng tulong ang ilan pang mga senador sa mga kababayang sinalanta ng Bagyong Paeng.
Si Senator Risa Hontiveros ay nagpadala ng 1,000 relief packs sa mga pamilyang apektado ng hagupit ng bagyo sa Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao sa tulong na rin ng lokal na pamahalaan.
Hiling ni Hontiveros na ang tulong na ipinaabot ng kanyang tanggapan ay makapagbigay ng kahit kaunting gaan mula sa delubyong kanilang naranasan.
Samantala, nagpaabot naman si Senator Bong Go ng tulong sa mga taga Bacoor at Kawit sa Cavite.
Mga grocery pack, vitamin, face mask, food pack, at shirts ang ipinagkaloob na tulong nito sa mahigit isang libong biktima ng Bagyong Paeng.
Nagpamahagi rin ang grupo ni Go ng gamot sa ubo at sipon para sa mga batang nagkakasakit sa evacuation centers.
Maging ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay aktibo ring tumulong at namigay ng financial aid para pandagdag sa muling pagbangon ng mga biktima ng bagyo.