Ikinalugod ni Senator Risa Hontiveros ang pagpapawalang bisa ng korte sa kaso laban kay dating Senator Leila de Lima.
Sa tatlong bilang ng drug cases na isinampa laban sa dating senadora ay dalawa na rito ang na-acquit si De Lima.
Ayon kay Hontiveros, bagama’t mahabang panahon ang hinintay, nanaig pa rin ang hustisya para sa kaniyang kaibigan at dating kasamahan sa Senado.
Inaantabayanan na lamang din ng mga tagasuporta ng dating senadora ang tuluyang paglaya nito.
Giit ni Hontiveros, ang tunay talagang krimen na nangyari rito ay ang pagkakaaresto at pagkulong kay De Lima mula sa mga pekeng kwento at pinagtahi-tahing kasinungalingan na ngayon ay matatapos na.
Aniya pa, makukumpleto lamang ang hustisya kay De Lima kung ganap na maisisiwalat ang mga ginawang plano para maipakulong ang dating senadora.
Samantala, naniniwala naman si Senator Imee Marcos na may basehan ang korte sa pagpapawalang sala kay De Lima at ang judiciary bilang independent branch ng gobyerno ay hindi kailanman dapat pakialaman ng lehislatura.