
Binigyang-diin na rin ni Senate President pro-tempore Ping Lacson ang kahalagahan na maipasa agad ang panukalang batas na lilikha sa Independent People’s Commission (IPC) na kapalit ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Kaugnay na rin ito sa ginawang pagbibitiw ni ICI Commissioner Rossana Fajardo.
Ipinunto ni Lacson na bagaman nakakatulong sa imbestigasyon ng maanomalyang flood control projects ang ICI, nananatili lamang itong isang adhoc na komisyon at hindi permanente.
Kailangan na aniyang maisabatas ang IPC upang ma-institutionalize at maging ganap na batas upang sa gayon ay magkaroon ng malinaw na mandato.
Giit ni Lacson, maaaring makatulong ang IPC sa pagresolba sa mga hamong kinaharap ng mga commissioner ng ICI, kabilang ang kawalan ng immunity from suit at ang kawalan ng kapangyarihang mag-cite ng contempt.
Nauna namang tiniyak ni Senate President Tito Sotto III na ipapasa ngayong 2026 ang panukalang IPC.










