Ilan pang senador, sinang-ayunan ang pagsuspinde ni PBBM sa IRR ng Maharlika Investment Fund Act

Nagkakaisa ang mga senador sa naging hakbang ni Pangulong Bongbong Marcos na suspendihin muna ang implementing rules and regulations (IRR) ng Maharlika Investment Fund Act of 2023.

Naniniwala si Senator Sherwin Gatchalian na nagiging maingat lamang ang pangulo kaya nagdesisyon na suspindihin ang IRR para mapagaralan ng husto ang batas.

Isa na aniya rito ang pagtiyak sa katatagan ng dalawang bangko, ang Development Bank of the Philippines (DBP) at ang Landbank, na kahit nag-invest ng malaking halaga sa Maharlika fund ay matitiyak na hindi ito magco-collapse at matatag kahit ano pa ang sitwasyong pang-ekonomiya ng bansa.


Hiling pa ni Gatchalian na huwag madaliin ang pag-aaral sa batas lalo na kung mayroong nakikitang economic impact dahil mahalaga na matatag ang dalawang bangko upang matibay din ang banking system ng bansa.

Samantala, nagpapasalamat naman si Senator Chiz Escudero sa ginawa ng Presidente at aniya kung ano man ang butas o pagkukulang na nakita sa MIF Act ay maaari pa namang ayusin at linisin ito.

Posibleng nakadagdag din sa dahilan ng suspensyon ay kung nakasunod ito sa test ng economic viability na siyang kinuwestyon ngayon ng ilang grupo sa Supreme Court.

Inihalimbawa nito ang United Arab Emirates (UAE) na lumikha ng sovereign wealth fund at ang kanilang windfall profit o sobra-sobrang kita mula sa langis ay doon nila inilalagay upang sa gayon ay mapakinabangan pa ng mga susunod na henerasyon kahit pa sa loob ng 45 taon ay mauubos na ang kanilang langis.

Ang pagkakaroon aniya ng malinaw na layunin ay hindi niya nakita sa Maharlika Investment Fund Act dahilan kaya hindi siya bumoto noong nakasalang na sa plenaryo ang batas.

Facebook Comments