Sinangayunan ng ilan pang senador ang desisyon ng pamahalaang Marcos, na umatras na sa pag-utang sa China para sa pagpapatayo ng Mindanao Railway Project.
Pinaburan ni Senator Sherwin Gatchalian ang pasya ng Ehekutibo, dahil bukod sa nabibinbin ang mga proyekto dahil sa mabagal na pagtugon ng China sa proyekto ng Pilipinas, napakalaki ng ipinapataw na interes o tubo ng China.
Maliban pa sa isyung ito, ay may ilan din sa proyekto sa bansa na inutang sa China ang may problema sa feasibility para tiyakin na praktikal at makatuwiran ang proyekto.
Binigyang-diin pa ni Gatchalian, na kahit itinuturing na official development assistance (ODA) na tulong sana mula sa China, utang pa rin itong maituturing na kailangang bayaran ng taumbayan.
Tinukoy ng mambabatas, na may iba pa namang bansa o international financial organization na dati nang nagpautang sa bansa para sa pagpapatayo ng mga big ticket projects na mas mababa ang tubo tulad ng Japan, South Korea, gayundin ng World Bank (WB) at Asian Development Bank (ADB).
Sa ngayon, aniya ay nirerepaso na ng isang joint congressional oversight committee ang ODA projects at dito nga ay nakitang nakabitin ang mga proyekto at malaki ang singil na interes ng China.