Ilan pang senador, suportado ang pagsuspindi sa implementasyon ng PhilHealth premium rate hike

Nadagdagan pa ang mga senador na nagpahayag ng suporta sa ginawang apela ni Health Secretary Ted Herbosa kay Pangulong Bongbong Marcos na isuspindi muna ang 5% premium rate hike sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) contribution.

Sinabi ni Senator JV Ejercito na bilang principal sponsor ng Universal Health Care Law sa Senado ay kanyang sinusuportahan ang panukala ni Herbosa na suspendihin ang dagdag sa kontribusyon sa PhilHealth.

Katunayan ay naghain siya ng bill na nagaamyenda sa UHC para i-adjust ang premium rates dahil kasalukuyan pang bumabangon ang lahat matapos ang pandemya.


Suportado rin ni Committee on Health Chairman Senator Christopher “Bong” Go ang proposal ng DOH Secretary lalo’t hanggang ngayon ay ramdam pa rin ng mga kababayan ang epekto sa ekonomiya ng COVID-19 pandemic.

Aniya, marami pa rin sa mga Pilipino ang nahihirapan sa kanilang hanap-buhay kaya panawagan nito sa gobyerno na huwag nang dagdagan ang hirap na kanilang dinadala.

Apela ni Go sa PhilHealth na iprayoridad ang pagsugpo sa mga anomalya sa ahensya, pagbutihin ang serbisyo at siguraduhin na ang bawat piso sa pondo ng taumbayan ay nagagamit para sa mga Pilipino.

Facebook Comments