Sa kabila ng mga kababayan na nakauwi na sa kanilang mga probinsya, marami pa rin ang kailangang kumayod dahil sa tawag na rin ng kanilang mga trabaho.
Kabilang na riyan ang mga drivers at konduktor sa mga bus terminal na sa ganitong panahon ng Undas.
Ayon kay Kevin Sabate, bus driver ng DLTB CO., masaya na malungkot ang kanilang trabaho lalo na dagsa ang mga pasahero subalit kadalasan naman ay napakatindi rin ng nararanasang traffic sa daan.
Aniya, sa ganitong panahon ng Undas ay talagang wala silang uwian at saka na lamang babawi sa kanilang pamilya kapag natapos na ang okasyon.
Sinabi naman ni Elmer Canillo na isang konduktor na kinukulang din talaga sila ng pahinga kapag ganitong season lalo na kapag matindi ang traffic at saka lamang sila makakapagpahinga kapag sumapit na ang November 3, 4, o 5 na halos lahat na ng mga pasahero ay nakauwi na sa Metro Manila.
Maging sa mga mahahalagang okasyon tulad ng Pasko at Bagong Taon ay hindi rin nila nakakapiling ang kanilang pamilya.
Magkagayunman, wala namang pagsisisi ang mga manggagawa na kailangang magtrabaho sa mga ganitong panahon dahil para sa kanila, biyaya ang trabaho at tungkulin nila ang pagbibigay-serbisyo.