Kinumpirma mismo ni Philippine National Police Spokesperson Pol. Brig. Gen. Ildebrandi Usana na mga teroristang komunista ang ilan sa namatay at naaresto sa sabay sabay na pagsisilbi ng search warrant ng Police Regional Office (PRO) 4A sa Calabarzon nitong weekend.
Ngunit, binigyang diin ni Brig. Gen. Usana na hindi tinarget ang mga ito dahil sa kanilang pagiging miyembro ng anumang samahan sa halip batay sa kanilang nagawang paglabag sa batas.
Paliwanag ng opisyal, ang pagiging komunista ay hindi labag sa batas, ngunit kung sangkot sila sa iligal na aktibidad, tulad ng child trafficking, paninira ng pribado at pampublikong ari-arian, pagpatay at iba pang krimen, dapat silang managot.
Muling iginiit ni Usana na nag-apply ang PNP ng search warrant sa korte base sa matibay na ebidensya na nag-iingat ng iligal na armas at pampasabog ang mga namatay na suspek.
Una naring sinabi ng PNP na lahat ng kanilang tauhan na nagsagawa ng operasyon ay sumailalim sa briefing para sa mapayapang paraan ng pagsisilbi ng search warrant, ngunit handa rin ang mga ito na gumamit ng pwersa kung manlalaban ang kanilang target.
Matatandanag inireklamo ng grupong KARAPATAN na 5 sa 9 na namatay at 3 sa 6 naaresto sa mga operasyon ay mga miyembro ng progresibong grupo.