Ilan sa mga Pinoy na naiwan sa Afghanistan, hindi maka-evacuate dahil sa problema sa seguridad

Ilan sa mga Filipino na naiwan sa Afghanistan ang hindi makagalaw dahil sa problema sa seguridad.

Ayon kay Joseph Glenn Gumpal, pangulo ng Filipino community group na Samahang Pilipino sa Afghanistan (SPA), pahirapan ang paglabas doon at kahit siya ay hindi makapaniwala kung paano siya nakalusot patungong Kabul Airport.

Ilan din aniya sa mga Pinoy ang tinulungan ng kanilang employers para makasakay sa eroplano palabas ng Afghanistan.


Kinumpirma rin ni Gumpal na ilan talaga sa mga Pinoy doon ang nais na lamang na manatili sa gitna ng kaguluhan.

Ayon din sa ilang dumating kaninang Pinoy repatriates, hindi naman sila sinasaktan ng Taliban pero matindi ang takot na kanilang naramdaman.

Anila, hindi nila napaghandaan ang kanilang paglikas kaya marami silang naiwan na mga kagamitan sa Afghanistan.

Sa pinakahuling bulletin ng Department of Foreign Affairs (DFA) kaninang hapon, 24 na Overseas Filipino Workers (OFWs) na lamang ang natitira sa Afghanistan at 16 ang naghihintay na mailikas.

Facebook Comments