Ilan sa mga testigo, harap-harapang inihayag ang mga pang-aabuso sa kanila ni Pastor Apollo Quiboloy

Umarangkada na ang pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality ngayong araw tungkol sa mga kaso ng pang-aabuso ni Pastor Apollo Quiboloy kung saan sa wakas ay napadalo sa imbestigasyon ang religious leader at matapang na hinarap ng mga testigo ang dati nilang church leader.

Bukod kay Quiboloy ay humarap din ang mga kapwa akusado nito na naka-detain sa Pasig City Jail na sina Jackielyn Roy, Cresente Canada, Paulene Canada, Ingrid Canada, at Sylvia Cemañes.

Sa opening statement ni Senate Committee on Women Chairperson Sen. Risa Hontiveros, iginiit niya na sa kabila ng mga babala ng ilang mga kaibigan na huwag banggain si Quiboloy ay pilit pa rin niyang itinuloy ang pagdinig dahil hindi niya matiis ang nalamang mga pang-aabuso sa mga kababaihan na nagsisimula sa kanilang murang edad.


Samantala, unang sumalang sa mga biktima ng pastor si Teresita Valdehueza kung saan bago magsimula ang pagdinig ay may ipinanood si Hontiveros na video ng pagbabanta at kung ano-ano ang sinasabi sa biktima.

Batay sa pahayag ni Valdehueza, taong 1980 kung saan 17 taong gulang siya nang maging miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) at October 1993 nang una siyang makaranas ng pang-aabuso ni Quiboloy noong papuntahin siya nito sa Cebu City at naulit pa ito sa Manila sa parehong taon.

Dumating pa sa punto na ginawa siyang isa sa mga pastoral at kalaunan ay na-promote bilang National Logistics Coordinator kung saan may quota siyang P15 million kada buwan sa pangangaroling ng mga miyembro.

Subalit taong 1998 nang masimulan niyang maranasan ang parusa ni Quiboloy dahil sa kanyang unti-unting paglayo kung saan dito ay pinaratangan siya ng gawa-gawang akusasyon, ikinulong sa maliit at madilim na kwarto sa Tamayong prayer mountain, pinatutulog sa matigas na higaan na may mga nakausling pako, at paulit-ulit na pinag-da-dry fasting o ginugutom na walang anumang tubig o pagkain.

Hindi naman napigilan ni Valdehueza na maiyak habang inaalala ang mga naranasang pananamantala at pagpaparusa na ginawa sa kanya ng pastor.

Sa kabilang banda, kahit harapang naririnig ni Quiboloy ang mga alegasyon laban sa kanya ay hindi naman ito mababakasan ng emosyon.

Facebook Comments