Ilan sa nanalong senador, kinumpirmang kinausap sila ng mga nais maging pangulo ng Senado

Ilang sa mga nahalal na senador ang nagsabing mayroon ng mga lumapit sa kanila na nais mamuno sa mataas na kapulungan.

Ayon kay Senator-elect Alan Peter Cayetano, ang kaniyang suporta ay hiningi ng isang babae at dalawang lalaking senador na gustong maging Senate president.

Subalit ayon kay Cayetano, pag-aaralan muna niya kung sino sa mga ito ang sisipsip lang sa Marcos administration at kung sino ang titiyak na ang Senado ay magiging fiscalizer at tunay na magbabantay.


Inamin naman ni Senator-elect Raffy Tulfo na kinausap siya nina Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri at Senator Cynthia Villar.

Binanggit naman ni Sen. Joel Villanueva na patuloy pa ang kanilang mga pag-uusap ukol sa Senate leadership pero siya ay aayon sa magiging pasya ng seatmates bloc sa Senado.

Bukod kay Villanueva, kabilang sa original na bahagi ng seatmates bloc ay sina Senators Sonny Angara, Sherwin Gatchalian at Senator-elect JV Ejercito.

Si Sen. Risa Hontiveros naman ay nagsabing pinag-uusapan nila ni Sen. Koko Pimentel ang pagbuo ng matibay na minority bloc.

Facebook Comments