Ilang aberya, naitala ng COMELEC sa pagsisimula ng botohan!

Ilang aberya ang naitala ng Commission on Elections (COMELEC) kasabay ng pagsisimula ng botohan ngayong araw.

 

Karamihan sa mga naging problema ay mga hindi gumaganang Vote Counting Machines (VCMs) na nagresulta ng delay sa pagsisimula ng botohan.

 

Dahil din dito, blockbuster na ang pila ng mga botante sa ilang polling centers.


 

Para sa COMELEC, patunay lamang ito na marami ang nais makibahagi sa eleksyon ay magamit ang karapatan nilang bumoto.

 

Kabilang din sa mga naranasang aberya ay nagkapalit na balota sa Maguing, Lanao del Sur; kawalan ng test ballot sa Socorro, Oriental Mindoro at Silvino Lobos sa Northern Samar na agad din namang naresolba.

 

Problema naman sa bukidnon ang patay-sinding suplay ng kuryente.

 

Pero pagtitiyak ni acting COMELEC Spokesperson John Rex Laudiangco, nakalatag ang kanilang contingency plan katuwang ang Department of Energy (DOE) para masigurong hindi maaantala ang botohan.

 

Sa kabila naman ng mga aberya, walang plano sa ngayon ang poll body na magpatupad ng extension sa voting hour.

 

Alas-6:00 kaninang umaga nang opisyal na buksan ang botohan sa buong bansa na magtatagal hanggang alas-7:00 mamayang gabi.

Facebook Comments