Ilang aberya, naitala sa pagsisimula ng overseas voting sa Hong Kong at North America

Dinagsa ng mga botante kahapon ang mga voting centers sa Hong Kong sa kabila ng nagpapatuloy na COVID-19 surge doon.

Dahil dito, inabisuhan ni Consul General Raly Tejada na bumoto ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) tuwing weekdays dahil mas kakaunti ang mga tao sa nabanggit na araw.

Hinimok din ni Tejada ang mga employer na payagan din ang kanilang Filipino workers na ma-excuse sa trabaho upang sila ay makaboto.


Tinatayang nasa 93,000 OFWs sa hongkong ang rehistradong botante.

Samantala, libu-libong botante naman sa Northeast America ang hindi nakaboto sa unang araw ng overseas voting bunsod ng delay sa pagdating ng mga election paraphernalia na gagamitin ng Konsulada sa New York.

Ikinadismaya ito ng ilang miyembro ng Filipino-American community at ang dating sa kanila ay pinagkakaitan sila ng karapatang makaboto.

Dahil dito ay siniguro ni Consul General Elmer Cato na magiging malinis, maayos at mapagkakatiwalaan ang halalan sa 11 lugar na sakop ng kanilang konsulada.

Isasagawa naman sa April 13 ang final testing at sealing sa mga vote counting machines bago ito gamitin sa official voting process.

Facebook Comments