Ilang abogado at residente ng BARMM, ipinababasura sa Korte Suprema ang umiiral na Bangsamoro Electoral Code

Ipinababasura ng ilang abogado at residente ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang umiiral na Bangsamoro Electoral Code na sumasaklaw sa BARMM.

Sa petisyon na inihain nina Atty. Romulo Macalintal, Antonio Carlos Bautista at Christopher Rodriguez, hiniling nila na magsagawa ng special raffle ang Korte Suprema upang agarang maaksyunan ang kanilang hiling.

Kasama na rito ang pagpapalabas ng Supreme Court ng Status Quo Ante Order at Temporary Restraining Order laban sa Bangsamoro Transition Authority (BTA) na maipatupad ang Bangsamoro Autonomy Act Number 35 o Bangsamoro Election Code at maideklarang labag sa konstitusyon at walang bisa.


Giit ng petitioners na nagmalabis ang BTA sa pamumuno ni Chief Minister Ahod Ebrahim sa pagsasabatas ng Bangsamoro Election Code na pumasok na sa papel ng Commission on Elections (COMELEC) maging ng Korte Suprema.

Giit nila, lagpas na sa hurisdiksyon ng BTA ang isinabatas nitong Election Code na nakaapekto sa interes ng mga residente ng BARMM, mga partido pulitikal sa rehiyon at maging ng taxpayers.

Sinuportahan naman ng BARMM Governors Caucus na binubuo ng mga gobernador ng Lanao Del Sur, Maguindanao del Sur, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi ang petisyon.

Nilinaw naman ni BGC Spokesman at Lanao del Sur Gov. Mamintal Adiong Jr., na hindi sila kontra sa pamunuan ng BARMM at nais lamang nilang maitama ang maling hakbang na makakaapekto sa rehiyon.

Facebook Comments