
Pormal nang hiniling ng ilang abogado sa Korte Suprema na i-cite in contempt si Senate President Vicente Sotto III.
Ito ay kaugnay ng mga naging pahayag ni Sotto hinggil sa desisyon ng Kataas-taasang Hukuman sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Atty. Ferdinand Topacio, isa sa mga petitioner, naghain sila ng petition for indirect contempt laban sa liderato ng Senado dahil sa pagbatikos ni Sotto sa ruling ng SC na nagdeklara umanong unconstitutional ang impeachment complaint na hindi sumunod sa one-year bar rule.
Kasama rin sa nag-file sina Atty. Manuelito Luna, Atty. Harold Respicio, Cathy Binag at dating mambabatas na si Jing Paras.
Sinabi ni Topacio na lumabis umano si Sotto sa mga naging pahayag nito na aniya’y nakasasama sa integridad ng Supreme Court bilang isang institusyon.
Kaugnay nito, binatikos din ni Topacio ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) dahil sa umano’y pananahimik sa kabila ng isyu.
Ayon kay Topacio, sakaling mapatunayang guilty sa indirect contempt ay maaaring humarap ang isang inireklamo sa P30,000 multa o anim na buwan na pagkakakulong.










