Ilang abogado ng petitioners, nasermunan sa pagpapatuloy ng oral arguments sa Korte Suprema kaugnay ng isyu sa Anti-Terror Act

Sinimulan ni Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen ang pagpapatuloy ng oral arguments sa mga petisyon ng iba’t ibang sektor kontra Anti-Terror Act.

Unang isinalang sa pagtatanong ni Justice Leonen si Atty. Algamar Latiph.

Sumentro ang pagtatanong ni Justice Leonen sa alegasyong magdudulot ng diskriminasyon laban sa mga Muslim ang Anti-Terrorism Law.


Tanong ni Leonen kung hindi ba kailangang magkaroon ng makabagong paraan ang gobyerno para labanan ang terorismo.

Partikular ang mga insidente ng karahasan sa Mindanao tulad ng Marawi Siege at Mamasapano encounter.

Pinunto pa ni Leonen ang sitwasyon na ginagawang safe haven ng mga terorista ang Mindanao sa pamamagitan ng pag-aasawa ng Pilipina para makakuha ng proteksyon mula sa komunidad tulad ng ginawa ni Indonesian bomber Zulkifli Abdhir a.k.a Marwan.

Sa kabila ng maingat na pagsagot, kinatigan naman ni Atty. Latiph na sa pangkalahatan ay kailangan ng batas kontra terorismo para labanan ang karahasang dulot ng mga terorista.

Nasermunan naman ni Justice Leonen si Atty. Neri Colmenares sa maraming pagkakataon sa interpellation kung saan sinabihan siya ng mahistrado na hindi siya dumalo sa oral arguments para mag-interpret ng mga probisyon dahil ito aniya ay trabaho ng justices.

Ang pagtatanong naman ni Leonen kay Atty. Chel Diokno ay sumentro sa probisyon ng batas hinggil sa inciting to commit terrorism.

Iginiit ni Leonen ang nakasaad sa UN Security Council Resolution 1566 kung saan walang binigay ang UN na prescription ng criminal acts at ito aniya ay nakadepende sa domestic jurisdiction.

Sa interpellation naman ni Associate Justice Alexander Gesmundo kay Atty. Chel Diokno, iginiit ni Diokno na nag-iba na ang sitwasyon sa dating Human Security Act dahil sa ngayon ay hindi na lamang nasasakop ito ng terorismo kundi may sangkot na ring cyber attacks.

Facebook Comments