Naniniwala ang ilang mga abogado na sa kasalukuyan ang kasong kinakaharap ni Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo Teves Jr. ay nagiging “trial by publicity”.
Ito ang naging opinyon ni Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) Volunteer Lawyer Atty. Ariel Jawid sa Balitaan sa Tinapayan Media Forum.
Ayon kay Atty. Jawid, hindi pa kasi nasasampahan ng kaso si Rep. Teves pero tila siya na agad ang may kasalanan.
Aniya, madal naman ang pagsasampa ng kaso pero kailangan may matibay na ebidensiya at hindi ang mga naririnig na kwento-kwento.
Dagdag pa ni Atty. Jawid nararapat lamang na may matibay na ebidensiya laban kay Rep. Teves upang may suporta ang mga binibitawang salita lalo na sa ginagawang pagdinig sa senado.
Giit pa ni Atty. Jawid, nararapat na bigyan ng pagkakataon na makapagsalita si Teves gayundin ang mga ibang nasasangkot sa kasong pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.